Walang araw na nandito ako sa Manila na hindi ko namimiss ang Mama at ang Daddy ko. Pero ok na rin, kasi alam kong miss na miss rin nila ako at sa sobrang pagkamiss nila sa akin, pinapakain nila ako ng masarap ‘pag binibisita ko sila sa Bataan.
Umuwi ako noong Sabado at saktong lunch time ako dumating. (Actually sinadya ko, para tipid. Hahaha.) Naghanda si Mama ng tinapang tamban (smoked small herring), pritong tilapia (fried St. Peter’s fish), at ensaladang ampalaya (bittergourd salad). Himagas namin ang mga bibingka (rice cakes) na binili ko sa Double Happiness, ‘yung pitstop ng Victory Liner sa Lubao. Napadami ako nang nakain kaya noong merienda na, isang maliit na nilagang mais (boiled corn) na lang ang kinuha ko doon sa isang dambuhalang kalderong mais na niluto ni Mama. Pero dahil likas na matakaw ako (o di kaya may tapeworm ako?) pumunta ako ng grocery at bumili ng dalawang packs ng chipetix na chocolate. Lasang Lala, pero mas masarap. Nilantakan ko ang cholikeyts habang iniinspeksyon ang garden at backyard namin.
Napag-alaman ko na namumulaklak na pala yung isang puno ng mangga, may bunga na ‘yung isa. Isang kinalabaw at isang indian. Ang mga puno ng saging eh kung di may hinog ng mga bunga, may puso. Sandamakmak na rin ang atis at bayabas na pwedeng pitasin, kung ‘di kami maunahan ng mga maya! Lumalago na rin ang mga tanim ni Mother at Tita Nida na camote, sili, okra, saluyot, kamatis, at batao. Ang sarap kumanta ng Bahay Kubo! Kulang na lang ang paligid-ligid ay mapuno ng linga!
Hapunan naman namin habang nanonood ng Pinoy Dream Academy Gala Night ang pinsingawang hipon (steamed shrimps) at ensaladang pako na may itlog na pula (fiddle fern salad with salted egg). Pako ang favorite salad ko ngayon at ang sweet ni Daddy na naisipan niyang ibili ako noon dahil alam niyang depressed ako na hindi ako nakapanood ng Camp Rock. Wala kasing Disney Channel doon, Cartoon Network lang. Dami ko na namang nakain. Nakatulog pa ako agad. Binangungot ako ng slight. Napanaginipan ko si John Lloyd. Bading daw siya. Waaaah.
Ginising nila ako ng maaga para isamang mamalengke. Namili kami ng pang-adobo, pang-ihaw, pang-sigang, at pang-tinola. Namakyaw ako uli nung chipetix cholicates. Pati ‘yung cheese flavored, sinubukan ko rin. Sana naman, ok pa ang insulin level ko.
Nag-ihaw kami ng bangus na may palaman at talong (grilled milkfish with filling and grilled eggplants) para pananghalian. May kilawing labong (bamboo shoots in vinegar) pa na tamang-tama ang lamig. Ito ay pinagsaluhan naman namin habang nanonood ng ASAP. Puro mga Kapamilya ang taga-Morong. Doon, itinatapon sa bangin o nililigaw sa gubat ang mga Kapuso.
Habang naglalakad-lakad ako sa garden para magburn ng calories, may napansin akong spiderweb na kakaiba. May malaking X na nakahabi sa gitna. At nakadikit dun ang maybahay na spider. Ang galeng. At dahil dun sa X na iyon, napataya ako sa jueteng ng 10 at 26. Ito ay pagkabili ko ng merienda na hiu tieu (Vietnamese noodles, rice noodles in pork broth with chili, bean sprouts, caramelized onions, and hardboiled egg). Hindi naman ako nanalo. Pero ang galing pa rin ni Spidey.
Hindi na kami nag-abala masyado na maghanda ng hapunan dahil kakain rin naman ako sa bahay ng Tita ko. May inuman kasi doon para i-celebrate ang 28th birthday ni Ate Bec. Inubos na lang namin nila Mama ang inihaw na bangus. Pero shempre pa, nagdagdag rin si Mama ng pritong lumpiang gulay (fried vegetable rolls) kasi alam niyang hindi ako mahilig mag-replay ng ulam.
Kasama namin ang barkada ni Ate Bec kina Tita Lorna at ang mga boys ay uminom ng Red Horse at kaming girls ay nag-wine. Casuy-Duhat wine. Odiba. Bago! Masarap ha! Lasang Bugnay ng Baguio. Ang chaka lang ng bote. Para lang bote ng patis. Pulutan namin yung niluto ni Angelo na adobong manok sa sampalok (stewed native chicken in soy sauce and tamarind), siomai (na gawa ni Ate Bec), corn chips, peanuts, at balut (punyeta, anong english nito? Alam ko na, fear factor duck egg). Pinakamahalagang natutuhan ko sa gabi ng inumann ito na critical period ng isang babae ang edad na 28 pataas. Shet, one year to go.
Dahil hindi naman ako tinamaan (ng lintik) sa Casuy-Duhat wine, nagawa kong gumising ng maaga kinabukasan. Hindi na ako nagbreakfast dahil alam kong marami akong makakain ng lunch. Shempre, pabalik na ako noon ng Manila kaya dapat masarap ang tanghalian. Paglabas ko ng bahay, nakita ko si Mama at Daddy sa labas na nagbabasa ng Purpose Driven Life at kumakain ng suha. Pinilit nilang ipatikim sa akin yung suha na nasa harap ng bahay namin. Kulang pa ng dalawang linggo. Maasim pa. Sayang. Yung guyabano sana ang gusto ko, kaso lang pinutol ni Daddy. Inaanay daw eh. Di bale. May avocado pa.
Nagrequest ako kay Daddy na maglagay ng duyan sa gilid ng bahay. Pumili ako ng eksaktong lugar na paglalagyan at tumanggi siya.
“Eh Daddy naman eh. Gusto ko dito. Para overlooking the mangga and the banana and the gumamela and the casuy and the papaya!”
“Hindi nga pwede.”
“Susumbong kita kay Mama.”
“Tignan mo nga ‘yung mga puno na gusto mong pagkabitan ko ng duyan!”
Tingin naman ako.
“Oh, eh mukha namang matibay eh. Pwede na ‘yan!”
“Pag ikaw nabukulan, bahala ka.”
At tumingala ako.
“Sabi ko nga, mga puno pala ng buko to eh.”
Whaaaaat. I got carried away. Sabi ni Daddy Dearest, dun na lang daw niya ako ipapag-set-up ng duyan sa may mangga at casuy. Tamang tama, dun ko rin gustong magtanim ng yellowbells, roses, at sunflowers. Woohoo! Secret garden, probinsya style.
Adobong baboy (pork in vinegar and soy sauce) at nilagang puso ng saging (boiled banana heart… heart nga ba?) ang lunch namin. Ang sarap. Lalo na may Coke 1.5. Meron pang minatamis na saba (galing rin sa backyard namin) for dessert.
The best talaga makamiss si Ma at si Dy! Nakakataba! At dahil 1st or 2nd week of October pa ang balik ko doon, may isang buwan pa ako na mag-diet para magkaron ng space sa tiyan ko ang mga naghihintay na pagkain sa akin sa pagbalik ko… sinabawang mais na may bulaklak ng kalabasa at dahon ng sili (corn soup with squash blossoms and chili leaves)… sinigang na baboy na may gabi (pork in sour broth with taro)… lumpiang gulay na may sarsang maraming bawang (vegetable eggroll with garlic sauce)…
Haaaaayyyy… Nakakagutom. Makakain na nga muna.
Teka punta muna ako sa Jollibee.
—–
Hindi ako nakapagdala ng digicam noong weekened, kaya babawi na lang ako sa susunod kong entry tungkol sa pag-uwi ko sa Morong. Maglaway ka. :p~
—–
listening to: Parokya ni Edgar – Picha Pie