Maraming mga celebrities na galing UP. Ilan dito ay sila Ryan Cayabyab, Atom Araullo, Sarah Geronimo, Sharon Cuneta, Tuesday Vargas, Angel Aquino, Jessica Soho, Lucy Torres-Gomez, at shempre pa, ang THE Eraserheads. Karamihan sa mga nabanggit ko ay nakita ko na in person. Pero wala sa kanila ang nakapagpa-starstruck sa akin.
Well, fine, starstruck pala ako ng very light nung nakita ko one time si Ely Buendia sa BF Paranaque.
Ang kauna-unahang “celeb” from UP na talagang napa-jawdrop ako sa mangha ay walang iba kung hindi si….
MANG LARRY.
Hindi niyo kilala si Mang Larry? Aba, pwes, ibig sabihin nito ay hindi niyo pa na-encounter ang supermegafamous isawan niya. Matatagpuan ito sa tapat ng Kalayaan Hall, mga tatlong tambling mula sa SC at mga labing-apat na tambling plus dalawang kembot from Bahay ng Alumni. Noong nag-aaral pa ako sa UP, inaa-araw-araw ko ang isaw baboy ni Mang Larry. May mga nakikita akong fellow UP-ians (haha whaaat) ko at mga Atenista, mga taga-Miriam at kung saan saan pang karatig pook. Balita ko nga, napagtapos ni Mang Larry ang mga anak niya sa kolehiyo dahil sa isawan niya.
Noong Sabado, binitbit namin ni Eunice ang kaibigan naming Lasalista na si Enzo sa UP para siya ay iligaw sa lagoon pagulungin sa Sunken Garden ipasyal. Ang isawan ni Mang Larry ang una naming pinagdalhan sa kanya.
Ang haba ng pila. Pero mabilis naman ang galaw. Buti na lang kasi nabubutas na ang tiyan ko sa asido mula sa pagkagutom noon. Atat na ako sa favorite kong isaw baboy and dirty ice cream combo.
Noong nagbayad kami, nakaharap ko ang isang mama na ang daming bling-blings. para lang galing Saudi. Tinanong ko siya…
“Kayo po ba si Mang Larry?”
“Oo. Ako nga si Mang Larry.”
“Pwede po bang magpapicture?”
“Aba, oo sige!”
O diba? Ang dali lang kausap ni Mang Larry. Hindi ko na ipopost ang picture namin, dahil mukha akong bruha doon. Eto na lang si Eunice at Enzo na kausap siya. Ito yata ‘yung in-explain ni Mang Larry kung bakit special ang special isaw nila.
At tignan niyo ang Cart (#11)… hindi lang Isawan yan. FAMOUS ISAWAN AT UP CAMPUS QC pa ‘yan! O ha?! O ha?!
😀
Kaya sa susunod na mapadpad kayo sa Peyups, ‘wag kalimutan na pumunta sa may Kalay para namnamin ang isaw, barbeque, betamax, chicharon etc etc ni Mang Larry. Maari din kayong mamili sa sweet vinegar at spicy vinegar. Wag niyong gagayahin si Enzo. Hindi iced tea yung nasa plastic jugs. Suka yon. Suka. Maasim. Hindi panulak ng isaw. may tinda rin silang C2, bottled water at softdrinks.
Pasensya na hindi ko maalala ngayon ang presyo ng mga tinda sa Mang Larry’s Famous Isawan at UP Campus *whew* pero naaalala ko na nagulat kami na mura pa rin hanggang ngayon. P3.00 yata per stick ang isaw at P10.00 naman ang barbeque.
Suggestion ko na gayahin niyo kami at bumili rin kayo ng dirty ice cream ka-partner ng isaw. Ito lang naman ay kung hindi maarte ang tiyan niyo, ok?
Ang dirty ice cream sa may Kalay ay karaniwang may chez, strooberi, ahvhocahdhow at chocolicate flavors.
🙂
—–
listening to: Live – Selling The Drama